Dalawa na ang favorite tourist attractions sa Camarines Sur—ang world-class water resort complex na Lago del Ray, na pagmamay-ari ng provincial government of CamSur na proyekto ni Governor L-Ray Villafuerte, at ang Gota Beach sa Caramoan Island.
Noong isang taon, una nang sumubok ang mga French castaways sa Gota Beach bago ang Holy Week sa pinakahuling season ng Survivor France.
Napag-alaman ng PEP (Philippine Entertainment portal) na tatlong Survivor franchises ang nag-book ng Gota Beach simula noong Enero at hanggang July. Magsunud-sunod kasi roon ang taping ng tatlong Survivor seasons ng iba't ibang bansa at may allocation silang tatlong buwan kada bansa.
Tulad noong Survivor France, walang gustong magsalita, lalo na sa mga staff ng Lago Del Rey dahil may confidentiality agreement ito. Ngunit napagalaman namin na kasalukuyang nagte-taping ang Survivor Israel sa Gota Beach. Susunod dito ang Survivor Turkey at pangatlo ang Survivor Bulgaria.
Wala ring nagku-confirm ngunit balitang nag-i-inquire na rin ang Survivor Sweden.
Samantala, nagsimula na rin ang audition para sa second season ng Survivor Philippines hosted by Paolo Bediones. Tapos na ang Luzon at magsusunud-sunod ang auditions para sa Cebu, Iloilo, at Davao.
Sa Koh Tarutao island sa Thailand ang location ng unang Survivor Philippines na pinanalunan ni JC Tiuseco.
Isa sa ruling ng Survivor franchise na hindi puwedeng gawin ang challenge sa sariling bansa.